Lunes, Nobyembre 25, 2024

No right turn, di agad makita

NO RIGHT TURN, DI AGAD MAKITA

natatakpan ng haligi ang karatula
"no right turn on red signal", di agad makita
buti kung ang drayber ay mabilis ang mata
sa kanan ay di agad liliko talaga

wala bang ginawa ang mga awtoridad
upang karatula'y iwasto at ilantad
habang trapik ay patuloy na umuusad
paumanhin kung ito'y napuna't nilahad

habang napadaan sa isang interseksyon
ay nakunan ko lamang ng litrato iyon
paglabas ng ospital nang madaan doon
ngunit di ko na tanda ang lugar na iyon

ang nasabing karatula sana'y ayusin
ipwesto ng tama kung saan mapapansin

- gregoriovbituinjr.
11.25.2024

* litrato ng makatang gala sa isang intersekyong di niya kabisado

Tabletas

TABLETAS

kailangan ng tabletas
na ipainom kay misis
sa noo ko'y mababakas
ang kanyang ipinagtiis

alas-sais ng umaga
tabletas na'y iinumin
pagkatanghali'y meron pa
hapon hanggang takipsilim

tuloy ang pangangalaga
kahit na kulang ang tulog
mahalaga'y may magawa
nang si misis ay lumusog

sana'y bumuti ang lagay
at lumakas siyang tunay

- gregoriovbituinjr.
11.25.2024

Linggo, Nobyembre 24, 2024

Nilay

NILAY

nais kong mamatay na lumalaban
kaysa mamatay lang na mukhang ewan
ang mga di matiyaga sa laban
ay tiyak na walang patutunguhan

minsan, pakiramdam ko'y walang silbi
sa masa pag nag-aabsent sa rali
tila baga ako'y di mapakali
kung kikilos lang para sa sarili

ngunit ngayon ako'y natitigagal
pagkat sa rali ay di nagtatagal
pagkat nagbabantay pa sa ospital
dahil may sakit pa ang minamahal

siya muna ang aking uunahin
at titiyaking mainit ang kanin
mamahali't aalagaan pa rin
sana siya'y tuluyan nang gumaling

- gregoriovbituinjr.
11.24.2024

Sabado, Nobyembre 23, 2024

Dapat nang kumayod

DAPAT NANG KUMAYOD

kumayod, magtrabaho't maging sahurang alipin
mga solusyon sa problema'y dapat hagilapin

ang buhay ko'y balintuna, aktibista, makata
kaysipag tumula gayong walang pera sa tula

sa masa'y kumikilos kahit na walang panustos
walang pribadong pag-aari, buhay ay hikahos

ang ginagawa'y Taliba, tumula't magsalaysay
kumatha ng mga kwento't pagbaka'y sinabuhay

ngunit ngayon, nahaharap sa problemang pinansyal
mga ipon ay di sapat pambayad sa ospital

naging tao nang nananalasa'y kapitalismo
kumilos upang lipunan ay maging makatao

subalit dapat kumayod, paano magkapera
ng malaki't may ipon para sa emerhensiya

hindi upang yumaman, kundi may ipampagamot
kalusugan ay lumusog, at mapatay ang salot

subalit sinong tatanggap sa akin sa pabrika?
maitatago ko ba ang pagiging aktibista?

maglako o magtinda ng gulay o kaya'y taho
upang makaipon lang, aba'y di iyon malayo

- gregoriovbituinjr.
11.23.2024

Sa ika-32 araw sa ospital

SA IKA-32 ARAW SA OSPITAL

di pa kami nakalabas dito sa pagamutan
walang pambayad, naghahagilap pa ng salapi
ngunit hemoglobin ni misis ay kaybaba naman
kaya tuloy ang gamutan, isa iyon sa sanhi

mahal magkasakit, ah, kaymahal ding maospital
mga naipong salapi'y ginastos nang tuluyan
ako na'y ligalig, parang hangal, natitigagal
kung anong gagawin ng isang tibak na Spartan

na nagdurusa sa ilalim ng kapitalismo
kaya tumpak lang baguhin ang bulok na sistema
ngayon nga'y sinaliksik at binabasa-basa ko
yaong akda kina Norman Bethune at Che Guevara

anemik, kaybaba ng dugo, paano paglabas
ang hemoglobin niya'y paano magiging normal
imbes dose ay siyete, paano itataas
upang paglabas sa ospital, siya'y makatagal

isa itong panahong punong-puno ng pasakit
at palaisipang dapat lapatan ng solusyon
ako'y sadyang naliligalig na't namimilipit
parating na ba ako sa kalagayang depresyon

- gregoriovbituinjr.
11.23.2024

* mapapanood ang bisyo sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/2255564971492605 

Biyernes, Nobyembre 22, 2024

Warfarin

WARFARIN

tila mula sa warfare ang warfarin
at kasintunog naman ng 'war pa rin'
ngunit ito'y sistema ng pagkain
sa ospital anong wastong kainin

lalo kay misis, sakit ay kaiba
na may namuong dugo sa bituka
na doktor ay nabahala talaga
kaya kaagad siyang inopera

walang kain ng isang linggong higit
hanggang unti-unti kumaing pilit
di tulad ng kinakaing malimit
binigay sa kanya'y warfarin diet

pwede lugaw, walang kanin at manok
no dark colored, malambot ang malunok
may paliwanag bawat tray na alok
dapat maunawa, ito'y maarok

warfarin, sa bituka yaong digma
upang pagalingin ito ng sadya
sa pagkain sistema'y tinatama
unti-unti, sakit ay mapahupa

- gregoriovbituinjr.
11.22.2024

Huwebes, Nobyembre 21, 2024

Krosword na Ingles, nasagutan din

KROSWORD NA INGLES, NASAGUTAN DIN

inaamin ko, nagsaliksik ako
sa internet, pagkat sinagutan ko
ang palaisipan ng The New York Times
na nalathala sa The Manila Times

krosword sa Ingles ay nabuo ko rin
interes dito'y nabigyan kong pansin
sa tulong ng internet sayt na DanWord
ay nasagutan ang Ingles na krosword

habang nagbabantay pa sa ospital
at kalamnan ko't diwa'y napapagal
sudoku't krosword na'y naging libangan
at Ingles na krosword ay natsambahan

di ko akalaing ito'y magawa
pagkat sa Pinoy krosword lang nahasa
naglilibang sa ganitong panahon
bantay kay misis magdamag, maghapon

- gregoriovbituinjr.
11.21.2024

* palaisipan mula sa The Manila Times, Nobyembre 21, 2024, p.C3

Miyerkules, Nobyembre 20, 2024

Book Sale

BOOK SALE

laking National at laking Book Sale
kayraming librong dito'y nabili
sa aklat ay di ako mapigil
lalo't diyan ako nawiwili

ngunit may ulat na magsasara
ang Book Sale na aking kinalakhan
sa MegaMall, pwesto'y nalipat na
sa Letre'y tinanggal nang tuluyan

sa Farmers at Fiesta Carnival
ang Book Sale pa nila'y nakatayo
sana patuloy sila't magtagal 
sila'y umiral pa't di maglaho

sa pagbabasa ako nag-ugat
kaya salamat sa mga libro
lalo sa Book Sale, mura ang aklat
binili't binabasa-basa ko

- gregoriovbituinjr.
11.20.2024

* dalawang unang litrato mula sa mga balita sa fb
* ikatlong litrato ay kuha ng makatang gala sa isang Book Sale branch

Paalam, Aegis Mercy Sunot

PAALAM, AEGIS MERCY SUNOT

taginting ng boses mo'y nanunuot
sa puso't diwa'y di nakababagot
tinig mong kapanatagan ang dulot
subalit wala ka na, Mercy Sunot

kami'y taospusong nakikiramay 
sa pamilya mo, O, idolong tunay
sa Aegis, taospusong pagpupugay
sa mga narating ninyo't tagumpay

mula nang mapakinggan ko ang Aegis
hinanap ko na ang awit n'yo 't boses
ginhawa sa puso'y nadamang labis
bagamat nawala na ang vocalist 

subalit mananatili ang tinig
sa aming henerasyon nagpakilig
Mercy, patuloy kaming makikinig
sa inyong awit at kaygandang himig

- gregoriovbituinjr.
11.20.2024

* litrato mula sa isang fb reel

Meryenda

MERYENDA

hopya ang nabili ko sa 7/11
sa tapat ng ospital upang meryendahin
may handa namang pagkain sa silid namin
pag di kinain ni misis, akong kakain

anumang sandali, pag ako'y nagutom na
maghahanap na ako kung anong meryenda
iiwang walang bantay si misis tuwina
lalabas ng ospital, tawid ng kalsada

pangdalawampu't siyam na araw na rito
mamaya, gagawin sa kanya'y panibago
endoscopy at colonoscopy raw ito
na sana sa colon cancer ay negatibo

animo, hopya yaong sa amin ay saksi
sa kwartong iyon, hopya ang aking kakampi
habang di palagay, sa ligalig sakbibi
di panatag ang loob sa araw at gabi

- gregoriovbituinjr.
11.20.2024

Martes, Nobyembre 19, 2024

Pagngiti

PAGNGITI

palaging ngumiti, ang payo sa cryptogram
na isang palaisipan sa pahayagan
dahil bĂşhay daw ay isang magandang bagay
at kayraming dapat ngitian nating tunay

cryptogram ay sinasagutan sa ospital
habang nagbabantay sa asawa kong mahal
higit tatlong linggo na kaming naririto
bukod sa pagtula, libangan ko'y diyaryo

ang pinayo ni Marilyn Monroe sa atin
tayo'y laging ngumiti, oo, Keep Smiling
subalit sa sakit ni misis ba'y ngingiti
ngingiti sa labas, loob ay humihikbi

makahulugan ang payo ng seksing aktres
ngumingiti ako pag kaharap si misis
upang ngiti rin niya'y aking masilayan
kahit siya'y nasa banig ng karamdaman

- gregoriovbituinjr.
11.19.2024

* "Keep smiling, because life is a beautiful thing and there's so much to smile about." ~ Marilyn Monroe
* larawan mula sa pahayagang Philippine Star, Nobyembre 19. 2024, pahina 9

Barya lang po sa umaga

BARYA LANG PO SA UMAGA

nakasulat: / barya lang po / sa umaga
habang aking / tinatanaw / ang pag-asa
na darating / din ang asam / na hustisya
lalo't iyon / ang pangarap / nitong masa

habang sakay / ng traysikel / ay nagtungo
roon upang / tupdin yaong / pinangako
naglilingkod / pa ring buo / ang pagsuyo
inaasam / na di basta / lang maglaho

mapanatag / ang kanilang / puso't diwa
sa maraming / isyu't asam / ay ginhawa
kasama ng / maralita't / manggagawa
kapitbisig / sa layunin / at adhika

may "feet off please" / pang kanilang / bilin dito
kaya ito'y / sinunod ko / ngang totoo
buti't bulsa'y / may barya pang / naririto
pinambayad / sa drayber ng / sinakyan ko

- gregoriovbituinjr.
11.19.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/vXzAaYN0fk/ 

Lunes, Nobyembre 18, 2024

Sa mga nag-ambag ng tulong

SA MGA NAG-AMBAG NG TULONG

sa panahong ito ng kagipitan
ay naririyan kayong nag-ambagan
nagbigay ng inyong makakayanan
nang lumiit ang aming babayaran

magmula petsa Oktubre Bente Tres
nasa ospital na kami ni misis
na sa kanyang sakit ay nagtitiis
dal'wampu't pitong araw na, kaybilis

bagamat nangyari'y nakaluluha
sakit ay tinitiis niyang sadya
ay gagawin ko ang kayang magawa
upang sakit niya'y di na lumala

tulad ng paghinging tulong sa inyo
pati paglalakad ng dokumento
sa mga pulitiko, PCSO
sa ibang malalapitang totoo

sa lahat ng nag-ambag ng tulong po
pasasalamat nami'y buong-buo
nang si misis sa sakit ay mahango
pasasalamat nami'y taospuso

- gregoriovbituinjr.
11.18.2024

Linggo, Nobyembre 17, 2024

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI

mababa na naman ang kanyang hemoglobin 
di pa abot ng otso, nasa syete pa rin
dapat ay dose, ang normal na hemoglobin 
kaya isang bag pa ng dugo'y isinalin

pandalawampu't limang araw namin doon
sa ospital, at nagninilay pa rin ngayon 
bakit ba laging mababa ang antas niyon
kaya ngayon, muling ginawa'y blood transfusion 

umaasa pa ring gagaling din si misis
mula sa sakit niyang kaytagal tiniis
problemang kinakaya kahit labis-labis
animo'y tinik sa dibdib na di maalis

kalagayan ni misis nawa'y bumuti na
at hemoglobin niya'y mag-normal na sana

- gregoriovbituinjr.
11.17.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/vVGAOey08J/ 

Palaisipan at payo

PALAISIPAN AT PAYO

lahat ng problema'y may kasagutan
kumbaga sa tanong, sinasagutan
tulad din ng mga palaisipan
salita'y hanapin ang kahulugan

nagpapayo sa mga problemado
bata, matanda, karaniwang tao
bigyang tugon ang mga tanong nito
na pinag-iisipan ding totoo

sa payo't palaisipan, salamat
pagkat kayrami nang nadadalumat
samutsaring damdamin, dusa, sumbat
ligalig, lungkot, paghihirap, gulat

tara, krosword ay atin ding laruin
pagkat ito'y malaking tulong na rin
baka payo nila'y payo sa atin
talastasan itong dapat alamin

- gregoriovbituinjr.
11.17.2024

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Nobyembre 17, 2024, p.10

Pagtula habang nasa ospital

PAGTULA HABANG NASA OSPITAL

inaaliw ko ang sarili sa pagtula
sa ospital, kay misis ay nagbabantay pa
dito sa silid ay maraming nakakatha
suwero, higaan, pagkain, medisina

pati na samutsaring terminong medikal
ay nababatid pag doktor ay pinakinggan
na mga salitang ngayon ay inaaral
at aking isinasalin sa panulaan

ano ang blood clot, blood transfusion, blood extraction
infection of blood, bakit malapot ang dugo
matindi rin ang lagi niyang menstruation 
na madalas sa pad ang dugo'y buo-buo

bituka'y barado, inoperahan siya
hemoglobin niya'y syete, imbes na dose
rare case, ang sabi ng mga doktor sa kanya
nakikinig na lang ako't walang masabi

- gregoriovbituinjr.
11.17.2024

Sputum at rectum

SPUTUM AT RECTUM

maraming terminong medikal
ang natutunan sa ospital
halimbawa nito'y sputum
at laging narinig na rectum

na plema pala ang sputum
habang rectum naman ay tumbong
sinusuri ang ihi't dumi
anong kulay ng plema't tae

naalala ko sa sputum
at rectum ang Rerum Novarum
na noon pa'y nababatid ko
sulat ng Papa sa obrero

kaya sa tagal sa ospital
kayraming salitang medikal
ang akin nang natututunan
lalo't ospital na'y tahanan

iyang thrombosis of the portal
splenic and mesenteric veins
acquired hospital pneumonia
bacteria, anemia, mayoma

blood extraction, mga termino
pang ngayo'y inuunawa ko
habang nakabantay kay misis
na sa sakit ay nagtitiis

- gregoriovbituinjr.
11.17.2024

Sabado, Nobyembre 16, 2024

Hustisya sa biktimang taga-UP

HUSTISYA SA BIKTIMANG TAGA-UP

kahindik-hindik ang nangyari
sa isang staff mula UP
na dahil sa bugbog at palo
buhay ng biktima'y naglaho

nobyo ang pangunahing suspek
biktima'y nagtamo: traumatic 
blunt injuries sa dibdib, leeg
balitang nakapanginginig

nasabing magkatipang iyon 
magkasama raw sa La Union
bago pa umakyat ng Benguet
subalit nangyari'y kaylupit 

ang sigaw natin ay hustisya
hustisya'y kamtin ng biktima
katarungan sa binibini
hustisya sana'y hindi bingi

- gregoriovbituinjr.
11.15.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Nobyembre 15, 2024, pahina 1 at 2

Ang kadakilaan, ayon kay Mike Tyson

ANG KADAKILAAN, AYON KAY MIKE TYSON 

dalawang larawan ang naroong ipinakita
si Floyd Mayweather na bodyguard ang mga kasama
at si Manny Pacquiao na napalibutan ng masa 

habang nasa gitna yaong sinabi ni Mike Tyson
hinggil sa kadakilaan, kaygandang laman niyon
na pag pinagnilayan mo'y kaybuting nilalayon

sinong dakila, sino nga ba ang tunay na baliw
anang isang awiting Pinoy na nakakaaliw
at mababatid sa masa sino ang ginigiliw

si Mike Tyson ang isa sa mga iniidolo
sa heavyweight ng isports na boxing sa buong mundo 
sinabi niyang iyon ay pinagtiwalaan ko

na ang pagiging dakila'y pagkilala ng bayan
at di pagsanggalang ng sarili sa mamamayan
salamat, Mike, sa kahulugan ng kadakilaan 

- gregoriovbituinjr.
11.16.2024

* litrato mula sa fb page ng Boxing TV
* Mike Tyson: "Greatness is not guarding yourself from the people; greatest is being accepted by the people."

Laro sa app game ng selpon

LARO SA APP NG SELPON

habang nagbabantay sa ospital 
sa selpon ay naglalaro ng app
nang di mainip o matigagal
madaling araw o gabing ganap

pinaglalaro muna ang isip
di makatulog, nais humimbing
kung anu-ano ang nalilirip
na nais tulain habang gising

nagninilay habang naglalaro
habang minsan ay nakatulala
sa laro't utang ba'y mahahango
isipin anong dapat magawa 

at pag may nanilay sa maghapon
ay tiyak may tulang laan doon 

- gregoriovbituinjr.
11.16.2024

* litrato mula sa app game na Twisted Rope, Level 29