Sabado, Marso 14, 2026

Parang gerilya akong nagbenta ng aklat sa Philippine Book Festival 2026

PARANG GERILYA AKONG NAGBENTA NG AKLAT SA PHILIPPINE BOOK FESTIVAL 2026
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakadalawang araw din ako sa apat na araw na Philippine Book Festival 2026, kahapon at ngayon (Marso 13-14) sa SM Megamall. Taon-taon basta may pagkakataon ay sasaglit ako sa anumang book festival, tulad nitong Philippine Book Festival (PBF) at Manila International Book Festival (MIBF) tuwing Setyembre sa MOA. Sa Buwan ng Sining nitong Pebrero ay nakapagbenta rin ako sa ilang aktibidad.

Salamat at nakabenta rin ng tigatlo kong aklat sa Philippine Book Festival 2026 sa ilang manunulat, kina Albert Banico ng 8Letters Publication at awtor ng librong "Ang Paghahanap kay Tapat", Edzel ng San Anselmo Publications, Jason ng Teachers Dignity Coalition (TDC) at may kasamang mga estudyante niya, at Joebert ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA). Ang tatlo kong libreto'y ang "Malayang Salin ng mga Tula ng mga Makatang Palestino", "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon", at "Tula't Panawagan Para sa Hustisyang Panlipunan". Pawang paksang pulitikal man ang mga nasabing aklat ay kinatha kong may sining ang mga paksa pagkat pawang mga tula.

Ang napagbentahan ko, imbes maipon, ay naibili ko ng mga klasikong aklat na mumurahin subalit kaygandang basahin, tulad ng "Suplungan ng mga Hayop" ng naging "Hari ng Balagtasan" na si Emilio Mar. Antonio, P100, 98 pahina; "Kalmot ng Pusa sa Tagiliran" na kalipunan ng mga tula ni Jim Pascual San Agustin, P100, 126 pahina; "Tatlong Kaisang Puso" ni Lakangiting Garcia, P50, 112 pahina; "Tilamsik ng Panitik" ni Rustica Carpio, P50, 170 pahina; "The Negating Fire and the Affirming Flame: American and Filipino Novels on the Pacific War" ni Elena P. Polo, P50, 164 pahina, at "Imagination's Way" ni National Artist for Literature Gemino H. Abad, P50, 128 pahina. 

Sabi ko nga sa sarili ko, ang ipangkakain ko na lang ay ibinili ko pa ng aklat. Subalit ganyan yata talaga ako, eh.

Pangarap kong magkapwesto rin sa ganoong mga festival ang matagal ko nang itinayong Aklatang Obrero Publishing Collective na humigit-kumulang dalawang dekada nang umiiral at siyang naglathala ng aking mga aklat mula pa noon. Para tuloy akong gerilya sa pagbebenta ng aklat. Walang pwesto subalit umaasang makabenta ng libro. Mabuti't may mga kaibigan tayong mahilig din sa aklat at panitikan at bumili ng tatlo kong librero. Sa kanila, maraming salamat!

SALAMAT, MGA KAIBIGAN SA PANITIKAN
salamat sa mga katoto't kakilala
‎at sa Philippine Book Festival nakabenta 
‎ng tatlong klase ng aking libretong dala
‎hinggil sa Palestine, Korapsyon, at Hustisya
‎ang nangyaring ito'y di ko malilimutan
at bihirang maganap sa buhay ang ganyan
‎nagkita lang ng kakilala't kaibigan
sa book festival at sila na'y nabentahan

tila ba pinagtiyap ng pagkakataon
nang magkita kami sa ganitong panahon
mga mahilig sa aklat ay nagkatipon
awtor, makata at guro'y nagsama ngayon

ang ibinenta ko'y mga isyung pangmadla
pawang kalagayan ng api't mga dukha
lipunang makatao'y itayo't malikha
nang masa'y tamasahin ang nasang ginhawa

03.14.2026

Maligayang Pi Day sa lahat!

MALIGAYANG PI DAY SA LAHAT!
‎sa matematika, 3.14 ang numerong Pi
‎dahil diyan, ginawang Pi Day ang Marso Katorse
‎mula sa rasyo ng kumperensya ng bilog ang Pi
‎sa diyametro nito, ating suriing mabuti
‎sukat ng bilog, three point fourteen ang kinalabasan
‎di eksakto, tuloy-tuloy at infinite ang bilang
‎mahalaga ito sa mahihilig sa sipnayan
‎na magagamit sa pang-araw-araw na kabuhayan

kamatayan ni Karl Marx at kaarawan ni Einstein
ngayon ay International Day of Mathematics din
na tema ngayo'y "Mathematics and Hope", dinggin natin
mga aral ng sipnayan ay ating sariwain

sa mga sipnayanon o mathematician, tunay
akong nagpupugay sa inyo! mabuhay! mabuhay!
maligayang Pi Day, maglabas ng pie o tinapay
at ipagdiwang ang kahulugan ng Pi sa buhay!

- gregoriovbituinjr.
03.14.2026

* litrato mula sa google

Di mapipigilan ng tulâ ang punglô

‎DI MAPIPIGILAN NG TULÂ ANG PUNGLÔ

“A poem cannot stop a bullet. A novel can't defuse a bomb. But we are not helpless. We can sing the truth and name the liars.” ~ Salman Rushdie
‎di mapipigilan / ng tulâ ang punglô
‎na tama rin naman / pag iyong natantô
‎gusot sa pagitan / ng magulong mundô
‎ay dapat ayusin, / maplantsa nang buô
‎di makakakalas / ng mitsa ng bomba
‎ang mahabang kathâ / nitong nobelista
‎subalit di tayo / kulangpalad, dusta
‎pagkat tayo pa ri'y / may magagawâ pa
‎ang katotohana'y / maaawit natin
‎mapapangalanan / yaong sinungaling
‎di tayo kawawà, / marapat ay gawin
‎sa ikabubuti / ng lahat sa atin
‎tutulan ang digma / ng imperyalismo
‎na dahilan kayâ / tumaas ang krudo
‎ang buhay ng kapwa'y / dapat irespeto
‎ngunit ikulong 'yung / korap sa gobyerno
‎mula sa panulat / ni Rushdie na sikat
‎ay itinulâ ko / ang isiniwalat
‎tumula't tumudlâ / nang makapagmulat
‎akong inyong lingkod / gamit ang panulat 
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.14.2026

Biyernes, Marso 13, 2026

Sa ika-11 Black Friday Protest ng 2026

SA IKA-11 BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026

kay-init ng kanilang mga talumpati
laban sa imperyalismo at naghahari
dahil sa digmaan, nagtaasan ang presyo
ng pangunahing bilihin tulad ng krudo

di lang simpleng "Ikulong ang mga kurakot!"
kundi "Itigil ang panggigera ng buktot!"
sa ngalan ng imperyo ay nais manakop
ng Estados Unidos, bansa'y nilulusob

inuna nilang sakupin ang Venezuela
nais nilang isunod ang Greenland at Cuba
ngayon ay dinigma naman nila ang Iran
tumindi ang labanan sa Gitnang Silangan

malayo tayo, malayo ang Pilipinas
ngunit apektado tayo sa pandarahas
ng imperyalistang bansang nais maghari
sa mundo, dapat imoeryalismo'y mapawi

kapayapaan para sa buong daigdig
magkaisa nang imperyalismo'y madaig
labanan natin ang pandarahas ng impe
makataong sistema'y dapat ipagwagi

- gregoriovbituinjr.
03.13.2026 (Friday the 13th)

Ang sistemang baluktot ng buwayang kurakot - tanaga-baybayin

ang sistemang baluktot
ng buwayang kurakot
ay dapat nang malagot
at sila'y mapanagot

- gbj/03.13.2026
tanaga-baybayin

Awit laban sa kurakot

‎AWIT LABAN SA KURAKOT
‎ang sistemang baluktot
‎ng buwayang kurakot 
‎ay dapat nang malagot
‎at sila'y mapanagot
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.13.2026 (Friday the 13th)
‎11th Black Friday Protest ng 2026

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1GzdckvL67/ 

Tulawit

TULAWIT
‎itutulâ ko muna
‎saka ko aawitin
‎mga isyu ng masa
‎yaong gigitarahin
‎ang mga kaapihang
‎dinaranas ng dukhâ
‎bibigyang kasagutan
‎ng nagkaisang madlâ
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.13.2026 (Friday the 13th)

Rebolusyonaryo tulad ni Bonifacio - tanaga baybayin

isang rebolusyonaryo
tulad ni Bonifacio
ganyan kung ituring ko
ang yakap na prinsipyo

- gbj/03.13.2026
tanaga-baybayin

Huwebes, Marso 12, 2026

Mga buwayang walang buntot

MGA BUWAYANG WALANG BUNTOT
‎mapanlinlang at mapag-imbot
‎iyang mga trapong kurakot
‎sila'y buwayang walang buntot
‎na sa masa'y hirap ang dulot
‎panagutin ang mga buktot
‎sa sistema nilang baluktot
‎panagutin lahat ng sangkot
‎sa ginawang pangungurakot
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.12.2026

* litrato mula sa google

Awit sa bulalakaw

AWIT SA BULALAKAW
‎nagising ng madaling araw
‎nang makita ang bulalakaw 
‎animo'y mapulang balaraw
‎yaong sa langit ay lumitaw
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.12.2026

* mapapanood ang bidyo sa kawing na:

Silent - Listen; Silence - License

SILENT - LISTEN; SILENCE - LICENSE
‎pag nirambol ang titik ng isang salitâ
‎ay may mabubuo kang iba pang katagâ
‎ang SILENT ay LISTEN, makinig nang tahimik
‎at ang napakinggan ay maisasatitik
‎ang SILENCE ay LICENSE, tahimik magmaneho
‎may lisensya, pag nahuli'y maaayos mo
‎tingni ang salitang pag nirambol, THREE is THERE
‎if you WON, you OWN it NOW, pati ERAAREEAR
‎paano mo ma-COMPILE ang mga POLEMIC
‎paano i-DRAW ang WARD na talagang siksik
‎paano mo i-SHOUT sa SOUTH, hindi THORN ang NORTH
‎dapat sa TOPS ng POTSSTOP ang POST sa SPOT
‎sabi ko nga, COULD CLOUD HATE the HEAT, isang tanong
‎ilang PIECES ang SPECIE, isa pang tanong
‎minsan nga'y nakakapagod din ang ganito
‎mabuti pa kayâ, maglaro na lang tayo
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.12.2026
‎* mga litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

Miyerkules, Marso 11, 2026

Awit sa sinta

‎AWIT SA SINTA
‎ang pagmamahal ko'y hanggang langit
‎ikaw lang ang pinakaiibig
‎alaala't larawan mo'y bitbit
‎sa aking pusò, diwà at bisig
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.11.2026 
‎(9th death monthsary ni misis)

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://fb.watch/FNaYFCCEhc/ 

May suloy na ang tanim kong sibuyas

MAY SULOY NA ANG TANIM KONG SIBUYAS
‎ginayat ko ang ilalim ng sibuyas
‎at inilagay sa ibabaw ng tubig
‎sa lagayan ng mineral water, baka
‎makapagpatubo ng sibuyas
‎ilang araw o isang linggo'y lumipas
‎nagkasuloy na ang tanim kong sibuyas
‎ay, kaysarap ulamin ng talbos nito
‎sabi nila, ito raw ay pampalakas
‎sana'y makapagpatubo ng marami
‎alagaan sa dilig itong itinanim
‎ang tagalungsod ay nagsasaka na rin
‎tiyagain ko lang at ito'y dadami
‎kailangan ngayon ay magtanim-tanim
‎upang di magutom at may aanihin
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.11.2026

Pabalat ng aklat kong dinisenyo ni misis

PABALAT NG AKLAT KONG DINISENYO NI MISIS
‎kung ikumpara sa tatlo kong huling libreto
‎kayganda ng disenyo ni misis sa aklat ko
‎tingni ang pabalat ng pangkalikasang libro
‎sadyang kakaiba kumpara sa disenyo ko
‎sayang, walâ na siya, wala na yaring sinta
‎sana, iba kong libreto'y dinisenyo niya
‎pagkat talagang ubos nang ito'y ibinenta
‎sa mga makakalikasang grupo at masa
‎kayâ sa daigdigang araw ng kalikasan
‎sa Abril Bente Dos kada taon, Earth Day iyan
‎dapat muling ilimbag ang libro kong naturan
‎at bigyan ng kopya ang iba't ibang aklatan
‎nais kong ang kanyang disenyo'y maging imortal
‎at siya'y maalala sa panahong matagal
‎salamat sa kaygandang disenyo, aking mahal
‎pagka disenyo mong likhâ sa akin ay banal
‎- gregoriovbituinjr.
03.11.2026 (9th death monthsary ni misis)

Sa ika-9 na death monthsary ni misis

SA IKA-9 NA DEATH MONTHSARY NI MISIS
‎siyam na buwan na pala ang nakalipas
‎kaybilis ng panahon, pag-ibig kong wagas
‎para bang kailan lang, kausap lang kita
‎ngunit ngayon, ikaw na'y nasa alaala
‎dalawampu't walong doktor, nasa talaan
‎at silang sumuri sa iyong karamdaman
‎ngunit wala silang nagawâ, walâ, walâ!
‎hanggang kunin ka na sa amin ni Bathalà
‎nasa gunitâ ko lagi ang iyong ngiti
‎at inspirasyon kita sa bawat kong mithi
‎tulâ man o pagkathâ ng kwento't nobela
‎o kaya'y pagtipâ sa bagting ng gitara
‎O, aking diwatà, magkikita rin tayo
‎ilang taon pa, at ako na'y nasa dulo
‎ng tulay na tahak kong pagkahabà-habà
‎habang dala ko'y mga nagawâ kong akdâ
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.11.2026

Martes, Marso 10, 2026

Payò sa panaginip

PAYÒ SA PANAGINIP

kagabi'y napanaginipan ka
payo'y gamitin ko ang gitara
aking mga tula'y gawin kong kanta
bakasakaling dito magkapera

batid mong walang salapi sa tulâ
kahit tambak-tambak ang aking kathâ
salamat sa payo, sintang diwatà
tumutulong kahit ikaw na'y walâ

salamat sa gitara mong binili
at sa akin, ito'y magkakasilbi
aawitin yaong tinig ng api
lalo't sa bayan alay na'y sarili

salamat, sinta ko, sa iyong payò
bagamat yaring puso'y nagdurugô

- gregoriovbituinjr.
03.10.2026

Awit sa tanaga baybayin

‎AWIT SA TANAGA BAYBAYIN
‎tanaga baybayin
‎aking aawitin
‎sariling sulatin
‎ng ninunô natin
‎tiyagain lamang
‎ang paggigitara
‎makakalikhâ rin
‎ng sariling kanta
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.10.2026

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1D5ZMrpda5/ 

Ikasampu, ika-10

‎IKASAMPU, IKA-10
‎walang gitling ang ikasampu
‎iyan ang wasto pag nagdugtong
‎ang panlapi't salitang ugat
‎balarila'y alam mo dapat
‎may gitling na pag ika-10
‎iyan ang wastong pagdurugtong
‎ng panlapi at ng numero
‎balarila'y batid mo dapat
‎ikasampu ngayon ng Marso
‎ika-10 ngayon ng Marso
‎pansinin mo ang gamit nito
‎balarila'y tinurò ito
‎meron ka sanang natutunan
‎sa abang makatâ ng bayan
‎túrong ito'y pakatandaan
‎nang wasto'y gamitin ng tanan
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.10.2026
‎*litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

"Happy Women's Day", ani tennis star Alex Eala

"HAPPY WOMEN'S DAY", ANI TENNIS STAR ALEX EALA
talagang kayhusay / ni Alex Eala
‎‎noong si Coco Gauff / ay tinalo niya
mapagpakumbaba / ang ating atleta
nang magtalumpati'y / binati ang ina
‎at iba pang ina, / sa kababaihan
‎nag-Happy Women's Day, / sadyang kainaman
‎inspirasyon siya / ngayon nitong bayan
‎nang dahil sa mga / napagtagumpayan
‎kaya taas-noo / akong nagpupugay
‎kay Alex Eala, / inspirasyong tunay
‎bagong sports hero / ang atletang Pinay
‎mabuhay ka, Alex! / mabuhay! mabuhay!
‎ksysarap marahil / maglaro ng tennis
‎sa palo ng bola'y / di dapat magmintis
‎dapat araw-araw / talagang magpraktis
raketa't pagpalo'y / gamaying mabilis
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.10.2026
‎* litrato mulâ sa ABS-CBN News sa fb

Kaharapin ma'y kahirapan

KAHARAPIN MA'Y KAHIRAPAN
‎tibak akong naninindigan
‎para sa pag-unlad ng bayan
‎ngunit di para sa iilan
‎kundi para sa panlahatan
‎kaytagal kong pinagnilayan
‎ang prinsipyo't pasya kong iyan
‎sama-samang kilos ng tanan
‎sama-sama ang taumbayan
‎wakasan na nating tuluyan
‎ang kabulukan ng lipunan
‎iyan ang prinsipyo kong tangan
‎kaharapin ma'y kahirapan
‎dapat ay walang naiiwan
‎may panlipunang katarungan
‎ginagalang ang karapatan
‎itayo'y patas na lipunan
‎wakasan na ang kurakutan
‎pati dinastiya't gahaman
‎paunlarin natin ang bayan
‎panlahat, di para sa ilan
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.10.2026