Martes, Setyembre 15, 2009

Tumindig, Huwag Lumuhod

TUMINDIG, HUWAG LUMUHOD
ni Dimas Ugat
13 pantig bawat taludtod

(Better to die on your feet than to live on your knees.
- Saul Alinsky on Rules for Radicals)


mabuti pang ang mga paa'y nasa hukay
kaysa mabuhay nang nauuna ang tuhod
mabuti pang sa prinsipyong tangan mamatay
kaysa kung kani-kanino pa nakaluhod

kung talagang pagbabago ang nais natin
dapat una lagi sa atin ang prinsipyo
di baleng may nakatutok sa ulong angkin
kaysa buhay nga'y may takot sa puso't ulo

di tayo maninikluhod sa mga hari
kundi ang ating mga paa'y nakatindig
di natin papayagang malugso ang puri
ng sambayanang di rin naman palulupig

may dangal na ang bawat tao pagkasilang
ipaglaban ito bahiran man ng dugo
kaya nga di dapat lumuhod kaninuman
at sa pakikibaka'y di dapat sumuko

Miyerkules, Setyembre 2, 2009

Diligin Man ng Malapot na Dugo

DILIGIN MAN NG MALAPOT NA DUGO
ni Dimas Ugat

Halina't magpatuloy tayo sa pakikibaka
at nang loob mo'y huwag panghinaan
pagkat kailangan nating baguhin ang sistema
nitong lipunang pinaghaharian
ng burgesya't ng mga kasaping kapitalista
na mga elitista ngang gahaman.

Nagkakaisa tayong baguhin itong sistema
kaya sa laban tayo'y di susuko
nakatalagang ito na ang huli nating laban
diligin man ng malapot na dugo
itong bansa't lupa ng ating kapwa mamamayan
sariling dugo man ang mabubo

Nilalandas natin ay panibagong pag-asa
para sa mamamayang naghihirap,
nagugutom at pinagsasamantalahang masa
ipaglaban natin yaong pangarap
na baguhin ang lipunan at bulok na sistema
upang kaginhawaan na'y malasap.

Ang mga nasa kapangyarihan ay kayluluho
kaban ng bayan itong ninanakawan
ninakaw din nila ang ating dangal, diwa't dugo
para lang sa kanilang kapakanan
diligan man ang bayan ng malapot nating dugo
ay ibagsak natin silang tuluyan.