Sabado, Hunyo 18, 2011

Di Natatapos sa Tula ang Pakikibaka

DI NATATAPOS SA TULA ANG PAKIKIBAKA
ni Dimas Ugat
14 pantig bawat taludtod

di natatapos sa tula ang pakikibaka
kundi patuloy ang proseso nito sa masa
kaya magpakasipag sa pag-oorganisa
ang masa'y imulat bakit bulok ang sistema
at bakit kailangang ito'y baguhin nila

magpatuloy man tayong humabi ng taludtod
dapat alam din natin kung papaano sumugod
umatras, umabante, makibaka, kumayod
pagkat di lang sa tula tayo dapat malugod
kundi aktwal na pagkilos ang totoong buod

bawat punglo'y talinghaga't talinghaga'y punglo
na tagos sa balat, katawan, sikmura, puso
taludtod at saknong tila'y busog at palaso
mga makata'y berdugo ng sakim sa tubo
habang ang bulok na sistema'y iginugupo

di natatapos sa tula ang pakikibaka
di matatapos ang tula ng pakikibaka
hangga't ang masa'y patuloy sa hirap at dusa
ngunit kung manggagawa't dukha'y magkakaisa
sila ang tatapos sa tula't pakikibaka