SA UNANG DEATH ANNIVERSARY NI MISIS
depresyon ang dumapo
di batid ang gagawin
tila nais sumuko
ng diwa ko't damdamin
biglâ ang pagkawalâ
ng diwatà kong sinta
laging natutulalâ
sigla ko'y nawalâ na
hanggang ngayon ay yanig
ang buong pagkatao
dama ko'y pagkalupig
at nawasak na mundo
bagamat pinipilit
pa ring maging matatag
palad man ay kaylupit
at laging nangangarag
mga tula't kwento man
ay pawang nagsitigil
sa dulo ng lansangan
ako rin ay hihimpil
sa baha't alimuom
sa mundo ng siphayò
kailan maghihilom
yaring duguang pusò
- gregoriovbituinjr.
06.11.2026
