Linggo, Nobyembre 29, 2009

Tula at Rebolusyon

TULA AT REBOLUSYON
ni Dimas Ugat
13 pantig bawat taludtod

"Poetry should also contain steel and poets should know how to attack." - Ho Chi Minh, rebolusyonaryong Vietnamese

i.

ano ang silbi ng tula sa rebolusyon
kung di ito nagmumulat ng masa ngayon

dapat ba tula'y ialay lang sa pedestal
ng malaking tubo't kapitalistang hangal

o tula'y pwersang gamit sa pakikibaka
upang mapalitan ang bulok na sistema

dapat ang bawat tula'y sintigas ng bakal
masasandigan, may prinsipyong nakakintal

tula'y malaking silbi sa pakikibaka
lalo sa pagmumulat ng aping masa

di basta-basta mahuhulog sa imburnal
pagkat bawat tula ng makata'y may dangal

tula'y may tindig, naghahangad ng paglaya
ng uring manggagawa at lahat ng dukha

ii.

dapat bawat makata'y alam sumalakay
laban sa mapang-api, sistema't kaaway

makata'y dapat agapay ng pagbabago
at tinig ng mga aping dukha't obrero

sila'y di dapat laging nasa toreng garing
kundi kasama ng dukha't masang magiting

sa laban dapat makata'y kayang tumagal
hindi agad natitinag o hinihingal

dapat alam nila paano umatake
nang matulungang manalo ang masang api

laban sa mga ganid, mapagsamantala
at kumakatawan sa bulok na sistema

makata'y dapat marunong ding umasinta
at kayang durugin ang lahat ng puntirya

Martes, Setyembre 15, 2009

Tumindig, Huwag Lumuhod

TUMINDIG, HUWAG LUMUHOD
ni Dimas Ugat
13 pantig bawat taludtod

(Better to die on your feet than to live on your knees.
- Saul Alinsky on Rules for Radicals)


mabuti pang ang mga paa'y nasa hukay
kaysa mabuhay nang nauuna ang tuhod
mabuti pang sa prinsipyong tangan mamatay
kaysa kung kani-kanino pa nakaluhod

kung talagang pagbabago ang nais natin
dapat una lagi sa atin ang prinsipyo
di baleng may nakatutok sa ulong angkin
kaysa buhay nga'y may takot sa puso't ulo

di tayo maninikluhod sa mga hari
kundi ang ating mga paa'y nakatindig
di natin papayagang malugso ang puri
ng sambayanang di rin naman palulupig

may dangal na ang bawat tao pagkasilang
ipaglaban ito bahiran man ng dugo
kaya nga di dapat lumuhod kaninuman
at sa pakikibaka'y di dapat sumuko

Miyerkules, Setyembre 2, 2009

Diligin Man ng Malapot na Dugo

DILIGIN MAN NG MALAPOT NA DUGO
ni Dimas Ugat

Halina't magpatuloy tayo sa pakikibaka
at nang loob mo'y huwag panghinaan
pagkat kailangan nating baguhin ang sistema
nitong lipunang pinaghaharian
ng burgesya't ng mga kasaping kapitalista
na mga elitista ngang gahaman.

Nagkakaisa tayong baguhin itong sistema
kaya sa laban tayo'y di susuko
nakatalagang ito na ang huli nating laban
diligin man ng malapot na dugo
itong bansa't lupa ng ating kapwa mamamayan
sariling dugo man ang mabubo

Nilalandas natin ay panibagong pag-asa
para sa mamamayang naghihirap,
nagugutom at pinagsasamantalahang masa
ipaglaban natin yaong pangarap
na baguhin ang lipunan at bulok na sistema
upang kaginhawaan na'y malasap.

Ang mga nasa kapangyarihan ay kayluluho
kaban ng bayan itong ninanakawan
ninakaw din nila ang ating dangal, diwa't dugo
para lang sa kanilang kapakanan
diligan man ang bayan ng malapot nating dugo
ay ibagsak natin silang tuluyan.

Biyernes, Hulyo 31, 2009

Kung Bangkay Mo Akong Matatagpuan

KUNG BANGKAY MO AKONG MATATAGPUAN
ni Dimas Ugat
14 pantig bawat taludtod

isang paa'y nasa hukay na sa bawat misyon
habang pinipilit na bayan nati'y ibangon
malagim man ang katotohanang yakap ngayon
dinidilig ng dugo ang bawat rebolusyon

kaya kaibigan, dapat tayo'y laging handa
lalo na't sa pakikibaka, dugo'y babaha
sa ati'y walang puwang ang pagmamakaawa
sa mga kaaway ng ating uri't ng bansa

kung sakaling bangkay mo akong matatagpuan
pagkat nalugmok ako sa matinding labanan
o dinukot at pinaslang ng mga gahaman
ay huwag kang malulumbay, aking kaibigan

pagkat mga tulad ko'y hindi iniiyakan
buhay na iwi'y sadyang inalay na sa bayan
marahil ay sadyang nais lang ni Kamatayan
na mga tulad ko'y tumula sa kalawakan

walang atrasan, kamatayan man ang harapin
nang magampanang husay ang ating simulain
titiyakin nating adhikain ay kakamtin
di tayo susuko, sa putik man ay malibing

tanging hiling ko lang na sa huli kong hantungan
na kahit papaano'y may hustisyang makamtan
di lamang ako kundi ang buong sambayanan
iyon ay pag lipunan ay nabagong tuluyan

Pasasalamat sa Inyo, Mga Kasama

PASASALAMAT SA INYO, MGA KASAMA
ni Dimas Ugat
12 pantig bawat taludtod

maraming salamat sa inyo, kasama
kung mga tula ko'y inyong binabasa
pagkat ito naman ay para sa masa
at ambag sa kanilang pagkakaisa

ninanais nyo bang kayo ay handugan
ng mga tulang para sa ating bayan
o nais nyo'y tula ng pag-iibigan
turan nyo nga't kayo'y aking pagbibigyan

tula'y gamit ko sa pag-oorganisa
lalo na sa ating pagpopropaganda
isyu'y inilapat sa sining at letra
taludtod at saknong ay para sa masa

naghahabi ako ng mga salita
pinagtutugma rin ang mga kataga
para pagkaisahin pati ang madla
tungo sa pagbabagong inaadhika

ito lang naman ang aking nagagawa
ang maghandog sa inyo ng abang tula
igagawa kayo ng tulang may luha
o kaya naman mga tulang may tuwa

tula ko'y handog sa lahat ng kasama
tula sa manggagawa at magsasaka
tula sa kababaihan at sa masa
tula ng pagbangon at pakikibaka

tula'y alay sa bansa't sa ibang nasyon
alay din sa susunod na henerasyon
tula'y panawagan ding magrebolusyon
habang sigaw natin: sosyalismo ngayon!

kung sakaling tula ko'y di nyo basahin
ay di problema kahit balewalain
at pag namatay, tula ko'y di na akin
dahil mundo na ang dito'y mag-aangkin

Huwebes, Marso 19, 2009

Wasakin ang Gintong Tanikala

WASAKIN ANG GINTONG TANIKALA
ni Dimas Ugat
16 pantig

anumang pagkatao mayroon ang kapitalista
sa ginagawa niya'y sadya itong walang konsensya
kompetisyong malupit ang sa kanya'y nag-oobliga
sa manggagawa'y patuloy na makapagsamantala

kapitalistang walang budhi'y ayaw ding makawawa
malupit ding negosyante ang kanya mismong kabangga
di baleng magutom itong pamilya ng manggagawa
talagang sa manggagawa'y wala silang pagkalinga

di makakanti kung meron mang katiting na konsensya
itong mga negosyante't hunghang na kapitalista
sa kanila'y di baleng obrero'y tuluyang magdusa
huwag lang mabawasan anumang tutubuin nila

kapitalistang ito'y sadyang walang ginawang tama
masarap pa ang pagkain ng kanilang aso't pusa
kaysa kinakain ng kanilang mga manggagawa
sa kapitalista'y wala ngang mabuting mapapala

ngunit kayhirap kung manggagawa'y lalabang mag-isa
dapat lang silang magsama-sama sa pakikibaka
di lang sa pag-uunyon kundi pagbago ng sistema
mula sa pagiging unyonista'y maging sosyalista

kaya panawagan natin sa lahat ng manggagawa
huwag pakintabin ang tanikalang kumakawawa
putulin ang kadenang dahilan ng maraming luha
magsama-sama na't wasakin ang gintong tanikala