Biyernes, Hulyo 31, 2009

Kung Bangkay Mo Akong Matatagpuan

KUNG BANGKAY MO AKONG MATATAGPUAN
ni Dimas Ugat
14 pantig bawat taludtod

isang paa'y nasa hukay na sa bawat misyon
habang pinipilit na bayan nati'y ibangon
malagim man ang katotohanang yakap ngayon
dinidilig ng dugo ang bawat rebolusyon

kaya kaibigan, dapat tayo'y laging handa
lalo na't sa pakikibaka, dugo'y babaha
sa ati'y walang puwang ang pagmamakaawa
sa mga kaaway ng ating uri't ng bansa

kung sakaling bangkay mo akong matatagpuan
pagkat nalugmok ako sa matinding labanan
o dinukot at pinaslang ng mga gahaman
ay huwag kang malulumbay, aking kaibigan

pagkat mga tulad ko'y hindi iniiyakan
buhay na iwi'y sadyang inalay na sa bayan
marahil ay sadyang nais lang ni Kamatayan
na mga tulad ko'y tumula sa kalawakan

walang atrasan, kamatayan man ang harapin
nang magampanang husay ang ating simulain
titiyakin nating adhikain ay kakamtin
di tayo susuko, sa putik man ay malibing

tanging hiling ko lang na sa huli kong hantungan
na kahit papaano'y may hustisyang makamtan
di lamang ako kundi ang buong sambayanan
iyon ay pag lipunan ay nabagong tuluyan

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento