Sabado, Mayo 15, 2010

Ang tahimik na tibak

ANG TAHIMIK NA TIBAK
ni Dimas Ugat
12 pantig bawat taludtod

hindi lahat ng tibak ay nag-iingay
pag nasa lansangang ang rali ay panay
sa pakikibaka sila ay nagsisikhay
upang makamit ang asam na tagumpay

merong tibak na maingay sa kalsada
meron ding tahimik na nakikibaka
nag-iisip ng tamang estratehiya
pinagninilayan ang wastong taktika

kumikilos siyang kasama ang masa
laya ng masa't uri ang nais nila
paglaya mula sa pagsasamantala
sa sistemang pinairal ng burgesya

minsan kailangang tahimik ang tibak
upang maiwasan niyang mapahamak
upang maituwid ang sistemang lubak
upang ang masa'y di gumapang sa lusak

ang tibak na tahimik sa pagbabasa
ay nagpapakabihasa sa teorya
na armas niya sa pag-oorganisa
sa pagkilos at pagmumulat sa masa

tahimik na tibak ay handang mamatay
pagkat alam niyang handog niya'y buhay
isang paa niya'y naroon sa hukay
habang isa'y hinahakbang sa tagumpay

ang tibak na iyon tatahi-tahimik
ngunit siya pala'y kapara ng lintik
di magsasalita kahit na madikdik
ng mga kalaban mata ma'y tumirik

nakabibingi rin ang katahimikan
lalo't sa dami ng pinagdadaanang
hirap, sakripisyo't pakikipaglaban
upang baguhin ang bulok na lipunan

mag-isa man siya'y alam ang gagawin
upang maipatagos ang simulain
sa masang adhika niyang palayain
siyang mahusay tumupad sa tungkulin

sa tibak na ito'y isang pagpupugay
sa pakikibakang sakbibi ng lumbay
siya'y marespeto't talagang mahusay
ikinikilos ay para sa tagumpay

mananatili siyang maninindigan
siyang laging listo saanmang labanan
siyang taas-noo saanmang larangan
siyang taas-kamaong naninindigan

tibak bang ito'y tahimik ring lilisan?
sa mundong itong kanyang pinag-alayan
ng panahon, pawis, dugo at isipan
nang maitayo'y sosyalistang lipunan

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento