Lunes, Agosto 15, 2011

Diyalektika, Hindi Pantasya

DIYALEKTIKA, HINDI PANTASYA
ni Dimas Ugat
13 pantig bawat taludtod

di tayo dapat mabuhay pa sa pantasya
na dulot ng kaisipang metapisika
sa kalagayan, pagsusuri'y mahalaga
pag-aralang mahigpit ang diyalektika
pagkat ito'y pundasyon ng materyalista

ang ideyalismo't metapisika'y kapos
wala tayong maaasahang manunubos
kundi kaligtasan nati'y nasa pagkilos
kung nais mong mapawi ang pagkabusabos
lipunan ay pag-aralan, magsuring lubos

kontradiksyon ay likas sa isang proseso
may kantidad at kalidad na pagbabago
kung talagang maunawaan natin ito
sa teorya't praktika'y patutunayan nito
sa totoong pagbabago'y dadako tayo

kongkretong kalagayan ay ating suriin
pagkakaisa't tunggalian ay alamin
ang nagpawi sa nagpawi'y isipin
diyalektikong materyalismo'y aralin
ito ang sa pakikibaka'y armas natin

Miyerkules, Hulyo 6, 2011

Simbigat ng Bundok, Singgaan ng Balahibo

SIMBIGAT NG BUNDOK
SINGGAAN NG BALAHIBO
ni Dimas Ugat
14 pantig bawat taludtod

buhay ng isang aktibista'y may kabuluhan
kaysa isang pulos tubo ang nasa isipan
mabuting totoong maglingkod sa sambayanan
kaysa burgis, pasista't elitistang gahaman

ang maglingkod sa bayan ay simbigat ng bundok
pagkat ang binabago'y isang lipunang bulok
ibagsak ang mga nagpapasasa sa tuktok
at tanggalin ang mga nasa gobyerno'y bulok

yaong naglilingkod para sa kapitalismo
naglilingkod sa mapang-api't mga dorobo
kabuluhan nila'y singgaan ng balahibo
pagkat sa puso'y tubo, di pagkamakatao

pag-aralan natin at suriin ang lipunan
kongkretong suriin ang kongretong kalagayan
alamin kung bakit masa'y dapat paglingkuran
at dalhin sa katubusan nila't kalayaan

kaya pag ating kasama'y biglaang mamatay
sa laban o sakit, parangal yaong ibigay
pagkat sa pakikibaka'y kanya nang inalay
ang buong panahon, pawis, dugo niya't buhay

simbigat ng bundok, singgaan ng balahibo
magkaibang kamatayan ng dukha't dorobo
saludo tayo sa nagsakripisyong obrero
ngunit kapitalista'y dinuduraang todo

Sabado, Hunyo 18, 2011

Di Natatapos sa Tula ang Pakikibaka

DI NATATAPOS SA TULA ANG PAKIKIBAKA
ni Dimas Ugat
14 pantig bawat taludtod

di natatapos sa tula ang pakikibaka
kundi patuloy ang proseso nito sa masa
kaya magpakasipag sa pag-oorganisa
ang masa'y imulat bakit bulok ang sistema
at bakit kailangang ito'y baguhin nila

magpatuloy man tayong humabi ng taludtod
dapat alam din natin kung papaano sumugod
umatras, umabante, makibaka, kumayod
pagkat di lang sa tula tayo dapat malugod
kundi aktwal na pagkilos ang totoong buod

bawat punglo'y talinghaga't talinghaga'y punglo
na tagos sa balat, katawan, sikmura, puso
taludtod at saknong tila'y busog at palaso
mga makata'y berdugo ng sakim sa tubo
habang ang bulok na sistema'y iginugupo

di natatapos sa tula ang pakikibaka
di matatapos ang tula ng pakikibaka
hangga't ang masa'y patuloy sa hirap at dusa
ngunit kung manggagawa't dukha'y magkakaisa
sila ang tatapos sa tula't pakikibaka

Miyerkules, Mayo 18, 2011

Ang Welga'y Isang Paaralan

ANG WELGA'Y ISANG PAARALAN
ni Dimas Ugat
14 pantig bawat taludtod

mahalagahin ang welga pagkat paaralan
hinggil sa tunggalian ng uri sa lipunan
welga'y kongkretong pagmumulat sa katangian
ng lipunan at estadong kinasasadlakan

ang welga'y paaralan upang magrebolusyon
nang makamtan ng obrero ang emansipasyon
at maresolba ang pangunahing kontradiksyon
sa pabrika, lipunan, at gamit sa produksyon

sa welga, ang mga manggagawa'y napapanday
sa pakikibaka pagkat tunggaliang tunay
kitang-kita kung bakit kapitalismo'y sablay
natututong dumiskarte hanggang magtagumpay

rebolusyon ay di lang sahod at benepisyo
at lalong higit pa sa isyu ng unyunismo
ito'y di lang katiyakan sa pagtatrabaho
kundi layon nito'y panlipunang pagbabago