SIMBIGAT NG BUNDOK
SINGGAAN NG BALAHIBO
ni Dimas Ugat
14 pantig bawat taludtod
buhay ng isang aktibista'y may kabuluhan
kaysa isang pulos tubo ang nasa isipan
mabuting totoong maglingkod sa sambayanan
kaysa burgis, pasista't elitistang gahaman
ang maglingkod sa bayan ay simbigat ng bundok
pagkat ang binabago'y isang lipunang bulok
ibagsak ang mga nagpapasasa sa tuktok
at tanggalin ang mga nasa gobyerno'y bulok
yaong naglilingkod para sa kapitalismo
naglilingkod sa mapang-api't mga dorobo
kabuluhan nila'y singgaan ng balahibo
pagkat sa puso'y tubo, di pagkamakatao
pag-aralan natin at suriin ang lipunan
kongkretong suriin ang kongretong kalagayan
alamin kung bakit masa'y dapat paglingkuran
at dalhin sa katubusan nila't kalayaan
kaya pag ating kasama'y biglaang mamatay
sa laban o sakit, parangal yaong ibigay
pagkat sa pakikibaka'y kanya nang inalay
ang buong panahon, pawis, dugo niya't buhay
simbigat ng bundok, singgaan ng balahibo
magkaibang kamatayan ng dukha't dorobo
saludo tayo sa nagsakripisyong obrero
ngunit kapitalista'y dinuduraang todo
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento