DIMAS ALANG - alyas ng ating pambansang bayaning Gat Jose Rizal; DIMAS ILAW - sagisag-panulat ng bayaning Emilio Jacinto; DIMAS AYARAN - sagisag ng Katipunerong si Dr. Pio Valenzuela; DIMAS INDAK - sagisag-panulat ng makatang Ildefonso Santos. Bilang pagpapatuloy sa nasimulan nila, narito si DIMAS UGAT - sagisag-panulat ng aktibistang makatang Gregorio V. Bituin Jr.
Lunes, Abril 6, 2020
Tuyong hawot at dilis na naman ang ulam namin
Tuyong hawot at dilis na naman ang ulam namin
tuyong hawot at dilis na naman ang ulam namin
kahapon ay noodles at may pinitas na gulayin
walang karneng baka't baboy na masarap ulamin
purga na ang tiyan sa ulam na ulit-ulit din
di pa namumunga ang itinanim na kamatis
wala pa ring bunga ang kalumpit at aratilis
sa panahong ito, tayo muna'y magtiis-tiis
basta sa pagkain ay huwag tayong magmimintis
sana'y may mabilhan na ng kamatis at sibuyas
at makapaggisa ngunit sarado pa sa labas
dahil sa lockdown, tindahan din ay may takdang oras
alas-nuwebe hanggang ala-una lang ang bukas
ano nang dapat gawin sa ganitong kalagayan
mag-ipon na ng ulam para sa kinabukasan
tulad ng langgam, nagtitipid para sa tag-ulan
at tayo'y nagtitipid din dahil sa lockdown naman
- gregbituinjr.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento