Huwebes, Pebrero 20, 2014

Wala akong kaibigan, ngunit maraming kasama

WALA AKONG KAIBIGAN, NGUNIT MARAMING KASAMA
ni Dimas Ugat
16 na pantig bawat taludtod

tulad ko'y walang totoong / kaibigan sa kilusan
ang meron lang ay kasama / na siyang aming tawagan
kaya kung may suliraning / dapat lutasing agaran
ako nga'y walang kakampi / na kapatid ang turingan
ang lahat tila'y kalaban / walang mapagsanggunian
walang matinong kausap / kani-kanya ng dahilan

pag mayroong kaguluhan / at matindi ang nangyari
ako'y walang makausap / sino ang aking kakampi
ano bang naganap? bakit? / nagtatanungan lang kami
parang di magkakasama / sa samahan at balwarte
sari-sariling palusot / wala silang nasasabi
ang disiplina ba'y ganyan / ganyan ba'y asal ng kadre

wala sa aking magtanggol / agad lalapit, bubulong
"may naninira sa iyo / pag-ingatan mo ang buhong"
may kalaban nga bang lihim? / na laging nagmamarunong
ngunit dahil wala akong / kaibigang makatulong
ako pala'y sinira na / ng kalabang nabuburyong
ngunit kung may kaibigan / sila'y agad magsusumbong

wala akong kaibigan / iyon na'y ating tanggapin
ngunit maraming kasamang / isa ang prinsipyong angkin
wala akong kaibigan / ngunit ako'y may layunin
tulad ng mga kasamang / iisa ang adhikain
walang kaibigang tunay / na masasabi kong akin
pagkat pawang kasama lang / ang sa bawat isa'y turing

marahil ganyang talaga / yaring buhay naming tibak
maaari tayong iwan / kung sila'y mapapahamak
disiplina ng Partido / itong tangi naming hawak
kung may nagawa kang mali / dapat parusahang tiyak
kung ang dangal mo'y may batik / ay gagapang ka sa lusak
kaya puri'y protektahan / tulad ng mga pinitak

wala akong kaibigan / bagamat may kolektibo
marami akong kasama / sa tinanganang prinsipyo
wala akong kaibigang / kaibigan ngang totoo
ngunit may kasama akong / dilag na kahit buhay ko
ay taos-puso kong alay / ngitian lang niya ako
na siyang tangi kong saya / sa pakikibakang ito

wala akong kaibigang / lagi kong nakakaramay
sa maraming suliraning / nakasusugat ngang tunay
ngunit maraming kasamang / laging aking kaagapay
sa mga pagkilos ngunit / hindi kasama sa lumbay
tanging sa adhikain lang / at prinsipyo magkaugnay
di talaga kaibigang / kasama hanggang mamatay

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento