WALANG HIMALA'T SWERTE SA REBOLUSYON
ni Dimas Ugat
15 na pantig bawat taludtod
sa rebo'y di mapagpasya ang anumang himala
di rin dahil sa swerte kung tayo'y pinagpapala
rebo'y mananalo sa sama-sama nating gawa
di dahil sa himala't swerte'y nanalo ng kusa
dahil ang pagrerebo'y may syentipikong batayan
sinusuri natin ang kalagayan ng lipunan
anong sistemang nagdulot ng laksang kahirapan
kung bakit kayraming dukha, mayaman ay iilan
kung nais mong ang lipunan ay tuluyang magbago
huwag kang umasa sa swerte't himala, pare ko
kumilos ka, organisahin ang uring obrero
prinsipyo't tangan, ipalaganap ang sosyalismo
dumaan man tayo sa putik ng unos at baha
daanan man pati apoy ng pagsubok at banta
halina't pagkaisahin ang uring manggagawa
pagkat sila ang tunay na hukbong mapagpalaya
himala't swerte'y ibasura't kalimutan natin
diyalektikong materyalismo'y ating aralin
ang prinsipyong ito'y isapuso't ating angkinin
at sa bawat kusa't pagkilos ay ating gamitin
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento