ANG MGA LUMPEN PROLETARYADO
ni Dimas Ugat
15 pantig bawat taludtod
nabubuhay sa ilalim ng bulok na lipunan
tinapal-tapal na barungbarong yaong tahanan
nabubuhay sa diskarte sa sentrong kalunsuran
subalit masakit sa mata ng pamahalaan
sila ang tinatawag na lumpen proletaryado
tinuringang walang pinag-aralan, magugulo
lulong sa sugal, droga, mabisyo, sakit ng ulo
kayrami nilang ipinanganak sa mundong ito
isang uri ng mga taong ugali'y magaspang
pagkat sa lipunang ito'y kailangang lumaban
pusakal, buriki, puta't pulubi sa lansangan
manginginom, nangingikil nang makakain lamang
durugista, kriminal, kahit ano'y papasukin
upang mga tiyan nila'y malagyan ng pagkain
walang pagkakataong ang dignidad nila'y dinggin
tingin ng marami'y daga ang tulad nilang lumpen
sila daw ang nasa mababang uring manggagawa
na kamalayang makauri'y di mauunawa
di makatulong sa rebolusyonaryong adhika
nabubuhay ng patapon ng di nila sinadya
kung maoorganisa ang lumpen proletaryado
may kakayahan kayang makatulong sa obrero
upang mapalitan ang sistemang kapitalismo
at bakasakaling maitayo ang sosyalismo
ngunit tanging sagot ko lamang sa ngayon ay ewan
paano matitiyak na sila'y di mang-iiwan
lalo na kapag umiigting ang mga labanan
o uring manggagawa ang tanging maaasahan
*
ang salitang Aleman na lumpen o "basahan" sa kalaunan ay naging mga
taong animo'y nakasuot ng basahan, at ginamit ito ni Marx sa kanyang
akdang "Ang Ideyolohiyang Aleman".
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento