PAGTUNTONG SA SAPATOS NG API
piniling tumuntong sa sapatos
ng api't mga naghihikahos
pasya ko iyong walang nag-utos
kundi budhi, inatas na lubos
kayâ pinili kong maging tibak
gapangin ma'y malalim na lusak
at paglingkuran ang hinahamak
ng tuso't sistemang mapanyurak
oo, ganyan, ganyan yaring búhay
na buong pusò ko nang inalay
sa pakikibakang tanging pakay
upang dukha'y guminhawang tunay
subukan mo, katoto, kumpare
tumuntong sa sapatos ng api
at huwag maging makasarili
ganito ang búhay na may silbi
- gregoriovbituinjr.
04.09.2026 (Araw ng Kagitingan)
* litratong kuha ng makatang galâ sa rali noong ika-40 anibersaryo ng Pag-aalsang Edsa, 02.25.2026

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento